0

Malayong Silanganan

Malayong Silanganan
0

Malayong Silanganan

Malayong Silanganan
0

Malayong Silanganan: Paano Ba Makikilala ang Mga Tunay na Sugo ng Diyos?

Malayong Silanganan: Paano Ba Makikilala ang Mga Tunay na Sugo ng Diyos?
2

Paano Ba Makikilala ang Mga Tunay na Sugo ng Diyos?

Sa panahon ba natin ngayon ay mayroong tunay na sugo ang Diyos?

Paano natin sila makikilala?

Tungkol sa pagkakaroon ng sugo may mga tao na nagsasabi ng ganito:

“Hindi na uso ang ‘sugo’ sa panahon ngayon, nung araw lang meron niyan, tsaka meron namang Biblia, basahin lang ng tao iyan mauunawaan na, kaya hindi na kailangan ang sugo.”

Inakala ng marami na ang mga salita ng Diyos o ang Biblia ay katulad lamang ng pangkaraniwang aklat na nabibili kahit saan, basahin mo lang ay mauunawaan mo na. Ano ba ang katangian ng mga salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia?

Roma 16:25 “At ngayon sa kaniya na makapangyarihan na sa inyo'y makapagpapatibay ayon sa aking evangelio at sa pangangaral ni Jesucristo, ayon sa pahayag ng hiwaga na natago sa katahimikan nang panahong walang hanggan.”

Ang evangelio o ang mga salita ng Diyos na ito nga ay ang Biblia, ito ay isang aklat namahiwaga, ang sabi nga ito ay “pahayag ng hiwaga na natago sa katahimikan ng panahong walang hanggan” samakatuwid ang Biblia ay isang hindi pangkaraniwang aklat, kaya ito’y hindi madaling mauunawaan ng tao.

Eh paano kung tangkain ng tao na pag-aralan ito sa kaniyang sarili? Makakararating ba siya sa pagkaalam ng katotohanan?

2 Timoteo 3:7 “Na laging nagsisipagaral, at kailan pa man ay hindi nakararating sa pagkaalam ng katotohanan.”

Hindi matututunan o mauunawaan ng tao ang Biblia sa sarili niyang paraan, kahit na ito’y pag-ubusan niya ng mahabang panahon, pag-aralan man ng pag-aralan, hindi siya makakararating sa tunay na kahulugan ng mga salitang nakasulat doon. Kaya nga sa katotohanan ay iisa lamang ang Biblia, ngunit kapansin-pansin na ang mga tao’y nagkaiba-iba ng paniniwala.

Dahil sa hindi naunawa ng tao ang tunay na nilalaman ng Biblia ano ang kanilang ginawa?

Roma 10:2-3 “Sapagka't sila'y pinatotohanan ko na may mga pagmamalasakit sa Dios, datapuwa't hindi ayon sa pagkakilala. Sapagka't sa hindi nila pagkaalam ng katuwiran ng Dios, at sa pagsusumakit na maitayo ang sariling kanila, ay hindi sila napasakop sa katuwiran ng Dios.”

Dahil sa hindi nakaabot ang tao sa pagkaalam ng katotohanang nakasulat sa Biblia na ito ay ang katuwiran ng Diyos, nagtayo ang tao ng sariling kanila, na ang ibig sabihin ang mga tao’y lumikha ng sarili nilang mga aral na hindi na sakop ng katuwiran ng Diyos, sa madaling salita, wala na sa Biblia ang kanilang pinaniwalaan at itinuro sa mga tao.

Bakit ba dapat makilala natin ang mga tunay na sugo ng Diyos? Ano ba ang kahalagahan nito? Maliwanag na sinasabi ng Biblia na ang may karapatan lamang na mangaral ng mga salita ng Diyos ay ang mga tunay na sugo ng Diyos:

Roma 10:15 “At paano silang magsisipangaral, kung hindi sila mga sinugo?gaya nga ng nasusulat, Anong pagkaganda ng mga paa niyaong mga nagdadala ng masasayang balita ng mga bagay na mabuti!”

Kaya nga hindi komo’t may dalang Biblia ang isang nangangaral, kung hindi naman siyatunay na sugo ng Diyos, ay wala siyang karapatang mangaral, ang mga tunay na sugo lamang ang binigyan ng Diyos ng karapatang ito. Bakit? Dahil sa kanila lamang ipinagkaloob ang makaalam ng hiwaga ng mga salita ng Diyos na nasa Biblia:

Lucas 8:10 “At sinabi niya, Sa inyo'y ipinagkaloob ang mangakaalam ng mga hiwaga ng kaharian ng Dios: datapuwa't sa mga iba'y sa mga talinghaga; upang kung magsitingin ay huwag silang mangakakita, at mangakarinig ay huwag silang mangakaunawa.”

Sa mga tunay na sugo ibinigay ng Diyos ang pagkaalam ng hiwaga, sila lamang ang may karapatang magpaliwanag at tanging nakakaalam ng tunay na kahulugan ng mga salita ng Diyos na nasa Biblia. At dahil dito ay marapat na sa kanila lumapit ang tao at hanapin ang kaniyang mga salita sapagkat sila ang tagapag-ingat ng kaalamang mula sa Diyos:

Malakias 2:7 “Sapagka't ang mga labi ng saserdote ay dapat mangagingat ng kaalaman, at kanilang marapat hanapin ang kautusan sa kaniyang bibig; sapagka't siya ang sugo ng Panginoon ng mga hukbo.”

At sa ganitong kadahilanan kaya ipinagutos ng Panginoong Jesus na dapat nating sampalatayanan o paniwalaan ang mga sugo ng Diyos:

Juan 6:29 “Sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Ito ang gawa ng Dios, na inyong sampalatayanan yaong kaniyang sinugo.”

Ngunit sa mundo ngayon ay napakaraming mangangaral, at ibinabala ng mga apostol na maraming nagpapangap na sugo ng Diyos, sapagkat maraming darating na mga bulaang propeta at mga bulaang guro:

2 Pedro 2:1-2 “Nguni't may nagsilitaw din naman sa bayan na mga bulaang propeta, na gaya naman sa inyo'y magkakaroon ng mga bulaang guro, na mangagpapasok sa lihim ng mga makakapahamak na mga hiduwang pananampalataya, na itatatuwa pati ang Panginoon na bumili sa kanila, na mangagtataglay sa kanilang sarili ng madaling pagkapahamak. At maraming magsisisunod sa kanilang mga gawang mahahalay; na dahil sa kanila ay pagsasalitaanng masama ang daan ng katotohanan.”

Kaya napakahalaga na ating makilala ang mga tunay na sugo ng Diyos, upang tayo ay huwag madaya ng mga bulaang mangangaral, at matiyak natin na tunay na aral ng Diyos ang ating matatanggap at sasampalatayanan. Paano nga ba natin makikilala ang mga tunay na sugo Diyos? Nagbigay ba ang Diyos ng mga palatandaan o ng pagkakakilanlan sa isang tunay na sugo na ating mapagbabatayan maging sa panahon natin ngayon? Ating tunghayan ang sagot sa pagpapatuloy ng ating pagtalakay…


Paano nga ba makikilala ang mga tunay na sugo ng Diyos?

Ibinigay ng Diyos ang pagkakakilanlan sa kanila sa aklat ni propeta Isaias, ganito ang ating mababasa:

Isaias 8:20 “Sa KAUTUSAN at sa PATOTOO! kung hindi sila magsalita ng ayon sa salitang ito, tunay na walang umaga sa kanila”.

Dalawa ang katangiang kailangan nilang taglayin ayon sa Diyos: sila’y nagsasalita ayon sa (1) KAUTUSAN at (2) PATOTOO. Ang sabi nga kung hindi sila magsalita ng ayon sa salitang ito tunay na walang umaga sa kanila. Ang umaga ay kasingkahulugan ng liwanag:

Isaias 58:8 “Kung magkagayo'y sisikat ang iyong liwanag na parang umaga, at ang iyong kagalingan ay biglang lilitaw; at ang iyong katuwiran ay mangunguna sa iyo; ang kaluwalhatian ng Panginoon ay magiging iyong bantay likod.”

Ibig sabihin kung hindi taglay ng isang mangangaral ang dalawang katangiang binanggit ng Diyos, ang nasa kanila ay hindi liwanag kundi kadiliman – ang mga mangangaral na ito ay hindi mga tunay na sugo ng Diyos kundi mga bulaang propeta o mga bulaang guro.


Ang Kautusan

Ano ang kahulugan ng kautusan ayon sa Biblia?

Kawikaan 6:23 “Sapagka't ang utos ay tanglaw; at ang kautusan ay liwanag; at ang mga saway na turo ay daan ng buhay:”

Ayon sa Biblia ang kautusan ay “turo” o aral na ito’y daan ng buhay. At dapat taglayin ng isang sugo ang turo ng nagsugo sa kaniya:

Juan 7:16-18 “Sinagot nga sila ni Jesus, at sinabi, Ang turo ko ay hindi akin, kundi doon sa nagsugo sa akin. Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay MAKIKILALA NIYA ANG TURO, KUNG ITO'Y SA DIOS, O KUNG AKO'Y NAGSASALITA NA MULA SA AKING SARILI. Ang nagsasalita ng sa ganang kaniyang sarili'y humahanap ng kaniyang sariling kaluwalhatian: datapuwa't ANG HUMAHANAP NG KALUWALHATIAN NIYAONG SA KANIYA'Y NAGSUGO, ANG GAYON AY TOTOO, AT SA KANIYA'Y WALANG KALIKUAN.

Ayon sa Panginoong Jesu Cristo, makikilala ang tunay na sugo kung ang itinuturo niya ay galing sa nagsugo sa kaniya lamang [Ang Panginoong Dios] at hindi siya nagsasalita na mula sa kaniyang sarili lamang. Samakatuwid ang tunay na sugo ay nagsasalita at nagtuturo ng tunay na mga aral na pawang nakasulat sa mga Banal na kasulatan o ng Biblia, hindi siya nagtuturo ng aral na hindi mababasa sa mga Banal na Kasulatan o mga aral na inimbento o kinatha lamang. Ang kaniyang itinuturo ay dalisay o purong mga salita ng Diyos na nasa Biblia:

Juan 3:34 “Sapagka't ang sinugo ng Dios ay nagsasalita ng mga salita ng Dios: sapagka't hindi niya ibinibigay ang Espiritu sa pamamagitan ng sukat.”

Hindi dinaragdagan o binabawasan ng tunay na sugo ng Diyos ang mga salita ng Diyos na nasa Biblia, ang itinuturo niya’y kung ano lamang ang mababasa at nasusulat sa banal na aklat, ang kaniyang aral ay walang kalikuan o kamalian:

1 Tessalonica 2:3 “Sapagka't ang aming iniaaral ay hindi sa kamalian, ni sa karumihan, ni sa pagdaraya.”

At kailan man ay hindi mo siya makikitaan ng kahit isang aral na wala sa Biblia.

Ang Patotoo

Hindi lamang ang kautusan ang sapat na batayan upang kilalanin silang tunay, dapat taglay din nila ang patotoo, na ito naman ang kahulugan ayon sa Biblia.

Apocalypsis 19:10 “At ako'y nagpatirapa sa kaniyang paanan upang siya'y aking sambahin. At sinasabi niya sa akin, “Ingatan mong huwag gawin iyan: ako'y kapuwa mo alipin at ng iyong mga kapatid na mayroongpatotoo ni Jesus: sumamba ka sa Dios: sapagka't ang patotoo ni Jesus ay siyang espiritu ng hula.”


Ang ibig sabihin ng patotoo sa Biblia ay hula o sa wikang ingles ay prophecy (basahin sa King James Version ang nakalagay ay … “spirit of prophecy” ) at hindi guesing. Samakatuwid ang tunay na sugo ay dapat taglay ang dalawang katangiang ito:

1. KAUTUSAN - Ang itinuturo niya ay hango sa mga salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia, at hindi galing sa kaniyang sarili lamang, at hindi niya ginagamitan ng pansariling pagpapaliwanag, at ng kaniyang sariling karunungan. Hindi siya nag-iimbento ng aral dahil lahat ng kaniyang itinuturo ay mababasa sa Biblia.

2. PATOTOO - Dapat may hula o propesiya na tumutukoy sa kaniyang kahalalan o “authority” ng kaniyang pagkasugo sapagkat siyang nagpapatunay ng kaniyang karapatan sa pangangaral-sa madaling salita, kinakailangang ang isang nagpapakilalang sugo ay hinuhulaan o may hula sa Biblia ng kaniyang pagiging sugo.

Kung ang mga katangiang nabanggit ay hindi taglay ng isang nagpapakilalang mangangaral, siya’y hindi tunay na Sugo ng Diyos. At ang kaniyang turo ay turo lamang ng tao. At kapag turo lamang ng tao ang ating nasunod, mawawalan ng kabuluhan ang ating ginagawang paglilingkod at pagsamba sa Diyos:

Mateo 15:9 “Datapuwa't walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ang mga utos ng mga tao.”

Kumuha tayo ng mga halimbawa sa Biblia, na hinulaan ang kanilang kahalalan o karapatan bilang mga sugo ng Diyos.


Halimbawa ng mga Sugo ng Diyos na may Hula o Propesiya sa Biblia

1. Si Juan Bautista:

Maraming taon pa bago ang pagkapanganak kay Juan Bautista ay hinulaan na ang kaniyang pagdating at ang tungkulin na kaniyang gagampanan. Gaya ng mababasa sa aklat ni propeta Isaias:

Isaias 40 :3 “Ang tinig ng isang sumisigaw, Ihanda ninyo sa ilang ang daan ng Panginoon pantayin ninyo sa ilang ang lansangan para sa ating Dios.”

At makalipas ang ilang daang taon nangaral si Juan Bautista na siyang katuparan ng
hulang ito.

Juan 1:19-23 “At ito ang patotoo ni Juan, nang suguin sa kaniya ng mga Judio mula sa Jerusalem ang mga saserdote at mga Levita upang sa kaniya'y itanong, Sino ka baga? At kaniyang ipinahayag, at hindi ikinaila; at kaniyang ipinahayag, Hindi ako ang Cristo. At sa kaniya'y kanilang itinanong, Kung gayo'y ano nga? Ikaw baga'y si Elias? At sinabi niya, Hindi ako. Ikaw baga ang propeta? At siya'y sumagot, Hindi. Sinabi nga nila sa kaniya, Sino ka baga? Upang ibigay namin ang kasagutan sa nangagsugo sa amin. Ano ang sinasabi mo tungkol sa iyong sarili? Sinabi niya, Ako ang tinig ng isang humihiyaw sa ilang, Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon, gaya ng sinabi ng propeta Isaias.”

Kapansin-pansin na kung kangino lamang natupad ang hula ay siya mismo ang nagpapaliwanag nito. Mapapansin din na sa hula, hindi binabanggit ng Diyos ang pangalan ng hinuhulaan kundi ang kaniyang tungkulin na gagampanan, at saan siya magmumula, bilang katunayan ng kaniyang kahalalan at karapatan sa pangangaral.


2. Si Apostol Pablo:

Si Apostol Pablo na isa ring sugo ng Diyos ay may hula din na tumutukoy sa kaniya maraming taon bago pa ang kaniyang pagsilang sa mundo:

Isaias 49:6 “Oo, kaniyang sinasabi, Totoong magaan ang bagay na ikaw ay naging aking lingkod upang ibangon ang mga lipi ng Jacob, at isauli ang iningatan ng Israel, ikaw ay aking ibibigay na pinakailaw sa mga Gentilupang ikaw ay maging aking kaligtasan hanggang sa wakas ng lupa.”

Na nang magkaroon ng katuparan ay ipinaliwanag din ni apostol Pablo ang kahulugan nito:

Gawa 13:46-47 “At nagsipagsalita ng buong katapangan si Pablo at si Bernabe, at nagsipagsabi, Kinakailangang salitain muna ang salita ng Dios sa inyo. Yamang inyong itinatakuwil, at hinahatulan ninyong hindi kayo karapatdapat sa walang hanggang buhay, narito, kami ay pasasa mga Gentil. Sapagka't ganito ang ipinagutos sa amin ng Panginoon, na sinasabi, Inilagay kitang isang ilaw ng mga Gentil, Upang ikaw ay maging sa ikaliligtas hanggang sa kahulihulihang hangganan ng lupa.”


3. At ang ating Panginoong Jesu-Cristo:

Katulad din ng ibang mga sugo ng Diyos, ang ating Panginoong Jesu-Cristo na siyangpinakadakilang sugo (Filipos 2:9) ay may hula rin na tumutukoy sa kaniya na nagpapatunay at kahayagan ng kaniyang karapatan bilang tunay na sugo, bago ang kaniyang paglitaw o ang kaniyang pagsilang sa sanglibutan. Narito ang hula na tumutukoy sa kaniya:

Isaias 61:1-2 “Ang Espiritu ng Panginoong Dios ay sumasa akin; sapagka't pinahiran ako ng Panginoon upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga maamo; kaniyang sinugo ako upang magpagaling ng mga bagbag na puso, upang magtanyag ng kalayaan sa mga bihag, at magbukas ng bilangguan sa nangabibilanggo; Upang magtanyag ng kalugodlugod na taon ng Panginoon, at ng kaarawan ng panghihiganti ng ating Dios; upang aliwin yaong lahat na nagsisitangis;”

Na katulad din ng mga una nating halimbawa, dumating ang panahon na ipinaliwanag din ni Jesus na siya ang kinatuparan ng hulang ito:

Lucas 4:16-21 “At siya'y napasa Nazaret na kaniyang nilakhan: at ayon sa kaniyang kaugalian, siya'y pumasok sa sinagoga nang araw ng sabbath, at nagtindig upang bumasa. At ibinigay sa kaniya ang aklat ng propeta Isaias. At binuklat niya ang aklat, na nasumpungan niya ang dakong kinasusulatan, Sumasa akin ang Espiritu ng Panginoon, Sapagka't ako'y pinahiran niya upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga dukha: Ako'y sinugo niya upang itanyag sa mga bihag ang pagkaligtas, At sa mga bulag ang pagkakita, Upang bigyan ng kalayaan ang nangaaapi, Upang itanyag ang kaayaayang taon ng Panginoon. At binalumbon niya ang aklat, at isinauli sa naglilingkod, at naupo: at ang mga mata ng lahat ng nangasa sinagoga ay nangakatitig sa kaniya. At siya'y nagpasimulang magsabi sa kanila, Ngayo'y naganap ang kasulatang ito sa inyong mga pakinig.”

Kapansin-pansin na binasa muna ni Jesus ang dakong kinasusulatan ng hulang tumutukoy sa kaniya at saka niya ito ipinaliwanag. Makikilala ang mga tunay na sugo kung sila’y hinuhulaan sa Biblia, bago pa sila isinilang, hindi sinasabi ang pangalan ng hinuhulaan kundi ang huhulaan ay ang kanilang paglitaw, ang kanilang tungkuling gagampanan na siyang katibayan ng kanilang karapatan sa pangangaral.


May Sugo ba sa panahon natin ngayon?

Ang Iglesia Ni Cristo na lumitaw sa Pilipinas noong 1914, ay may kinikilalang sugo ng Diyos, ang aming Kapatid na si Felix Y. Manalo – siya ang kinikilala naming “Sugo ng Diyos sa mga Huling Araw”. Bakit? Taglay ba niya ang dalawang katangiang ating tinalakay? Nasa kaniya ba ang kautusan at patotoo na sinabi ng Diyos na dapat na taglay ng mga tunay na sugo ng Diyos? Ang itinuturo ba niya’y dalisay na mga aral mula sa Biblia? At siya ba’y hinuhulaan o may hula ba sa Biblia tungkol sa kaniyang paglitaw at ng kaniyang karapatan bilang sugo ng Diyos?
 
Copyright © Malayong Silanganan

The "Urban Elements" theme by: Press75.com

Blogger templates Converted into Blogger by Intro Blogger